Linggo, Disyembre 21, 2014

PUSONG MAPAGPASALAMAT: Reflection for 7th Day of CHRISTMAS NOVENA / SIMBANG GABI - December 22, 2014 - YEAR OF THE POOR

Ano ba ang laman ng iyong panalangin sa tuwing ikaw ay magdarasal?  Baka naman puro hingi ka lang at yun lang ang laman ng iyong panalangin?  May kuwento ng isang taong laging nanghihingi sa kanyang panalangin.. Minsang napadaan siya sa isang simbahan at tumapat sa isang imahe ni Jesus na nakapako sa krus.  "Panginoon, sana naman bigyan mo ako ng t-shirt na Calvin Klein, maong pants na LEVIS, sapatos na NIKE at relo na G-SHOCK! Laking gulat niya ng sumagot ang Panginoon,  "Mahiya ka naman Juan... tingnan mo nga ako, bahag lang ang suot ko, ikaw kung makahingi... WAGAS!"  hehehe... Baka naman kapag nagdasal tayo ang nasasambit natin ay "PENGE NOON... PENGE NOON..." sa halip na " PANGINOON! PANGINOON!  Hindi ba dapat ang unang lumalabas sa ating bibig ay pagpupuri at pasasalamat?  Ang lakas nating humingi sa Diyos ngunit hina naman natin magpasalamat.  Ang mga pagbasa natin sa ika-7 araw ng ating Nobena para sa Pasko ay mag tema ng PASASALAMAT.  Nagpasalamat si Ana sa pagbibigay ni Yahweh sa kanya ng anak na si Samuel at bilang utang na loob ay inihandog niya si Samuel sa templo upang maglingkod. Sa Ebenghelyo naman ay punong-puno ng kagalakan na ipinahayag ni Maria ang kanyang pasasalamat sa Diyos sa kanyang MAGNIFICAT!  "Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon!... dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan!"  Sa ating buhay ay napakadaling magpasalamat sa Diyos hangga't mabuti ang mga kaganapan natin.  Madaling magsabi ng "Praise the Lord!" kapag napromote ka sa trabaho, kapag nanalo ka sa lotto, kapag nakapasa ka sa board exam. Subukan mong mag praise the Lord kapag nasunugan ka ng bahay, kapag nalugi ka sa negosyo, kapag iniwan ka ng kasintahan mo... ang hirap di ba?  Dapat natin pasalamatan ang Panginoon sa maraming biyayang ipinagkakaloob Niya sa atin.  Dapat natin siyang pasalamatn sa mga maganda at maging sa mga di-kaaya-ayang pnagyayari sa ating buhay.  Una sa lahat sa regalo ng BUHAY na patuloy niyang ipinagkakaloob sa atin.  Pangalawa ay sa biyaya ng PAMILYA na mayroon tayo.  Hindi man perpekto ang ating pamilya subalit ito ang "the best" na ibinigay niya para sa atin.  At pangatlo ay dapat rin natin siyang pasalamatan sa biyaya ng KALIKASAN na patuloy na umiiral at bumubuhay sa atin!  Ngunit tandaan natin na ang pasasalamat ay mayrooon dapat na kaukulang pagbibigay.  Sa ingles ito ay THANKS-GIVING!  Hindi lang thanks kundi may GIVING na dapat mangyayari.  Ang tunay na pasasalamat ay may kaukulang pagbibigay at ang pagbibigay ay dapat may kasamag SAKRIPISYO sapagkat may bahagi sa atin na nawawala kapag tayo ay naghahandog.  Kapag nagsabi ka ng THANKS sa mga magulang mo ay dapat may kasama itong pagsunod, paggalang at pagmamahal sa iyong mga magulang.  Kapag nagsabi ka ng thanks sa mga teachers mo ay may kasama dapat itong pagsisikap na mag-aaral ka at hindi magpapabaya sa iyong pag-aaral.   Kapag nagsabi ka ng thanks sa asawa mo ay may kasama itong pagbibigay ng katapatan sa kanya at pag-aaruga sa iyong pamilya. Huwag sana nating sabihin para sa mga may kaya lang ang pagbibigay.  Sabi nga ni Blessed Mother Teresa of Calcutta :  "If you cannot feed one hundred people then feed at least one!"  Ibig sabihin ay walang taong masyadong mahirap para magkaloob ng tulong sa iba.  Tadaan natin na sa pagtulong ang prinsipyo ay :"Kung gusto mo may paraan, kung ayaw mo may dahilan!"  Kung matututo lamang tayong magbigay mababawasan ang mga makasarili sa ating mundo at magkakaroon ang bawat isa sa atin ng PUSONG MARUNONG MAGPASALAMAT!  

Walang komento: