Sabado, Disyembre 27, 2014

PAMILYANG BANAL AT MARANGAL: Reflection for the Feast of the Holy Family - December 28, 2014 - YEAR OF THE POOR

Ang bawat isa sa atin ay nangangarap na magkaroon ng isang masaya at nagkakaisang pamilya.  Ngunit paano na lamang kung ang pamilya ay magulo, kanya-kanya, at nagbabangayan sa isa't isa?  May kuwento na minsan daw ay may aksidenteng naganap.  Buong mag-anak na nakasakay sa kotse ay bumagsak sa bangin.  Nang bukasan ng mga imbestigador ang sasakyan ay nakita nilang patay ang lahat maliban sa isang unggoy  na marahil ay kanilang alaga.  Walang ibang saksi kundi ang unggoy na nagkataong matalino naman pala kung kaya't ito na lang ang tinanong ng imbestigador.  "Ano ang ginagawa ng tatay bago maganap ang aksidente?  tanong niya sa unggoy.  Kumilos naman ito na animoy sumusuntok.  "Ah sinusuntok ng tatay ang kanyang maybahay! Eh ano naman ang ginagawa ng nanay?"  Sunod niyang tanong sa unggoy.  Umarte ang unggoy na may sinasampal.  "Sinasampal ng nanay ang kanyang asawa! Yung dalawang anak sa likod ng kotse, ano ang ginagawa?"  taning uli ng imbestigador.  Iniakto ng unggoy na nagsasabunutan sila.  "Hmmm, nag-aaway ang magkapatid! Ikaw naman, unggoy ano ang ginagawa mo bago mangyari ang aksidente?"  huli niyang tanong.  Kumilos ang unggoy na tila nagmamaneho ng kotse!  Kaya naman pala! hehehe... Napakasaklap nga naman ang katayuan ng isang pamilyang sa halip na pagmamahalan ay alitan at away ang nangyayari.  Ang plano ng Diyos para sa pamilya ay maging pugad ng pagmamahalan at kasiyahan.  Ikaw ba ay tagpagdala ng kagalakan sa iyong pamilya?  O baka naman ikaw ay sanhi pa nga ng gulo sa tuwing ikaw ay umuuwi ng bahay.  Nakakalungkot sapagkat nawawala na ang kasiyahan na dapat ay namamayani sa isang pamilya.  May isang pari na nagkwento tungkol sa isang batang kalye na ang pangalan ay "Ngarakngak".  Ang ibig sabihin ng "NGARAKNGAK" sa Bicol ay "halakhak".  Masiyahin ang batang itong at kung minsan nga ay pagkakamalan mong sinto-sinto dahil sa lagi siyang tumatawang mag-isa.  Minsan ay nakasama siya sa feeding program ng parokya at nahalata ng pari na pabalik-balik si Ngarakngak sa pila.  Pagkakuha ng pagkain ay tatakbong palabas at babalik uli para kumuha ng isa.  Nagtaka ang pari at sa pangatlong pagbalik ay sinundan niya si Ngarakngak sa pinupuntahan nito.  Dinala siya sa ilalim ng isang tulay at doon ay nakita niyang ibinigay ng bata ang kanyang dalang pagkain sa kanyang mga magulang na maysakit. At nasaksihan niya ang galak sa mga mukha ng pamilya na nagsalo-salo sa tatlong platong pagkaing dala ng bata na tinatawag na "Ngarakngak".  Naging tunay siya sa kanyang alyas na "Ngarakngak" sapagkat nagdala siya ng kaligayahan sa kanyang mga magulang.  Ikaw ba ay nagdadala rin ng kasiyahan sa iyong pamilya?  O baka naman panay sakit ng ulo na lang at pighati ang binibigay mo sa iyong mga magulang?  Ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak ay nagpapaalala sa atin na dapat tayong maging tagapagdala ng kaligayahan sa ating pamilya.  Ang mga anak ay nararapat ipagkapuri ang kanilang mga magulang at gampanang matapat at may paggalang ang kanilang tungkulin sa bahay.  Ang mga magulang naman ay hindi lang sapat na mahalin ang kanilang mga anak; dapat ay ipadama nila ito sa kanila.  Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng "quality time" at regular na pakikipag-usap sa kanila.  Ang lahat ng ito ay may mas maisasakatuparan kung ang pamilya ay naka-sentro kay Kristo.  Hindi sapagkat "banal" ang Banal na Mag-anak ay wala na itong problema at kahirapang naranasan. Tayo rin, tulad ng Banal na Mag-anak ay nakararanas ng kahirapan at suliranin sa ating buhay ngunit kung ang ating mag-anak ay naka-sentro kay Kristo ay walang balakid na hindi natin kayang lagpasan o pagsubok na hindi natin kayang suungin.  Ang kasabihang "The family that prays together, stays together" ay hindi lamang "pius exhortation".  Ito ay dapat isabuhay ng pamilyang Kristiyano upang maisakatuparan ang plano ng Diyos para sa pamilya... na sana ang bawat pamilyang Kristiyano ay maging PAMILYANG BANAL AT MARANGAL.  

Walang komento: