Sabado, Oktubre 25, 2014

MAKADIYOS AT MAKATAO: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year A - October 26, 2015 - PRISON AWARENESS SUNDAY - YEAR OF THE LAITY


Ang ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon ay araw din na inilalaan ng Simbahan bilang Linggo ng kamalayan sa mga bilanggo.  Noong nakaraang September 26 ay nagpadala ng sulat ang mga bilanggo ng Muntinlupa Penitentiary sa Santo Papa upang maisama sila sa mga bibisitahin sa kanyang pagdalaw dito sa Enero 2015.  Bakit nga naman hindi?  Ang mga bilanggo ay mga taong mas higit na nangangailangan ng inspirasyon at pag-asa sa kanilang pagbabagong buhay kaya't ang presensiya ng kahalili ni Kristo sa lupa ay magbibigay sa kanila ng malaking pagpapala. Minsan na silang nagkamali at sumuway sa mga utos ng Diyos at ang kanilang pagnanais na magbago ay nagpapakita lamang ng kanilang pagpapakumbaba at pagnanais na maituwid ang kanilang buhay. Ngunit may mga tao talagang ang tingin sa sarili ay "mas mataas" pa sa Diyos!  Pakinggan ang kuwentong ito:  Minsan ay may batang lumapit sa kanyang magulang.  "Nanay, ano po ba sampung utos ng Diyos?" tanong ng bata sa kanyang ina. "Anak, iyan ang mga utos na ibinigay ng Diyos kay Moises. Ipinapakita ng sampung utos na MAKAPANGYARIHAN ang Diyos!" Sagot ng nanay. "Talaga po? Kung gayon mas makapangyarihan pa pala kayo sa Diyos?" Nakangiting sabi ng bata. "Bakit naman?" nagtatakang tanong ng nanay. "Kasi po... ang dami n'yong utos eh ang Diyos sampu lang! hehehe!" Totoo nga naman, may mga taong ang pag-iisip ay mas makapangyarihan pa sila sa Diyos. Hindi ang mga nanay ang tinutukoy ko kundi ang mga dalubhasa sa batas at pinuno ng mga Hudyo na pagkatapos tanggapin ang sampung utos ng Diyos kay Moises ay pinarami ito ng pinarami hanggang umabot sa 613 na kautusan. Kaya't tama lang marahil ang tanong kay Jesus ng isang dalubhasa sa batas. "Ano po ba ang pinakamahalaga sa kautusan?" Sa dinami-dami ng mga utos na kanilang sinusunod ay marahil naisip nilang bakit hindi na lang sundan ang pinakamahalaga sa kanila. Ang sagot ni Jesus ay di naman talaga bago sa kanila, "Ibigin mo ang ang Diyos ng buo mong puso, kaluluwa at pag-iisip." Ang mga Hudyo ay likas na maka-Diyos. Ngunit ang idinugtong niya ang tila bago sa kanilang pag-isiip, "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili". Bago sapagkat ito ay inilagay ni Jesus na kasing halaga ng pag-ibig sa Diyos. Ang pagkakamali nila, na marahil ang pagkukulang din natin, ay pinaghihiwalay natin ang dalawang kautusang ito. Marami sa ating mga Kristiyano na ang akala nila sa sarili ay matuwid sila sapagkat lagi silang nagsisimba at nagdarasal. Ngunit kung titingnan mo naman ang pagkilos ay kulang sa pagmamahal sa kapwa. Nariyan na ang mga taong nanlalait, nanlalamang at naninira sa iba pero hawak-hawak ang rosaryo at nagdarasal. Tandaan natin na ang tunay na pagiging maka-Diyos ay dapat maghubog sa atin upang maging tunay na maka-tao! Para saan pa ang pananampalataya sa Diyos na hindi mo nakikita kung ang kapwang nasa tabi mo lang ay hindi mo iginagalang? Para saan pa ang mahahabang panalangin kung nagwawalang bahala ka naman sa mga pangangailangan ng iba?  Iisa lang ang kautusan at iyan ay ang batas ng pag-ibig! Kung tunay nating mahal ang Diyos, dapat ay nasasalamin din nito ang pagmamahal sa ating kapwa. Ang mga taong nag-aakalang "mas makapangyarihan sa Diyos" ay ang mga taong ang pagsamba ay nasa salita lamang at walang kasamang gawa! Sila ay nabulagan na ng kanilang pagiging relihiyoso at hindi na makita si Jesus sa mukha ng kanilang kapwang nangangailangan. Tingnan natin ang ating mga sarili, baka naman isa na tayo sa mga taong "mas makapangyarihan pa sa Diyos!"  Ngayong Taon ng mga Layko ay piliin nating maging matapang sa pagsunod sa Kanyang kautusan.  Tandaan natin na ang pagiging maka-Diyos ay pagiging makatao.

Walang komento: