Sabado, Hulyo 4, 2015

PROPETANG SIMBAHAN: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year B - July 5, 2015 - YEAR OF THE POOR

Ayaw na ayaw nating makarinig ng "badnews."  Sino nga ba naman ang may gusto nito?  Kaya nga sa misa ang pinahahayag ay ang "Mabuting Balita" o "Ebanghelyo" ng Panginoon.  Sa ating buhay mas katanggap-tanggap ang mabuting balita kaysa masamang balita.  "Isang mister ang nagsabi sa misis niya, na kapag-uuwi siya ng bahay ay huwag na siyang sasabihan ng "badnews" o anumang problema.  Isang araw, pagpasok ni mister ng bahay, sinabi niya kaagd sa kanyang misis, "Ohh, 'yung pinag-usapan natin, walang sasabihing bad news sa akin. Pagod na ako sa maghapong trabaho." "Alam ko. Walang badnews" sagot ng misis. "Di ba apat yung anak natin? Tatlo sa kanila ay walang pilay!" pagbabalita ni misis."  Ang mga propeta sa Bibliya ay tagapagdala ng mensahe ng Diyos sa mga tao.  Marami sa kanila ay hindi tinanggap ng kanilang mga kababayan sapagkat ang kanilang dala-dalang mensahe ay lagi nilang itinuturing na "badnews" para sa kanila.  Ito ang pagtawag na tinaggap ni Propeta Ezekiel sa unang pagbasa.  "Tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon.  Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan!"  Ngunit gayon pa man ay patuloy pa rin ang mga propeta sa pagtupad ng kanilang misyon. Ito rin ang paniniwala ni Jesus bago pa siya mangaral sa kanyang mga kababayan: "Ang propeta'y iginagalang ng lahat, liban lamang sa kanyang mga kababayan, mga kamag-anak at kasambahay."  At narinig nga natin na hindi siya kinilala ng kanyang mga kababayan.  Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga propeta sa kanilang tungkulin na ipahayag ang kalooban ng Diyos.  Ang Simbahan ay may taglay na tungkuling magpahayag ng katotohanan sapagkat taglay nito ang pagiging isang propeta.  Sa katunayan ang bawat isa sa atin ay tinanggap ang misyon ng pagiging propeta noong tayo ay bininyagan.  Pagkatapos nating mabuhusan ng tubig sa ating ulo tayo ay pinahiran ng langis o "krisma".  Nangangahulugan ito ng pagtanggap natin ng misyon na maging pari, hari at propeta katulad ni Jesus.  Ibig sabihin, tayong lahat ay dapat na maging tagapagpahayag ng katotohanan ayon sa turo ni Jesus.  Hindi lang ito gawain ng mga obispo, pari , mga relihiyoso o relihiyosa.  Isang magandang napapanahon na halimbawa ay ang paglabas ng balita na sa Amerika y pinayagan na ang "same sex marriage".  Ano ba ang pananaw ng isang Kristiyano dito?  May mga ilan-ilan na kilala ko na nakita kong nagpalit ng kanilang profile picture sa Facebook bilang pakikiisa at pagsang-ayon dito.  Ngunit hindi sang-ayon dito ang Simbahan sapagkat hindi ito ang turo ni Jesus.  Sa simula pa lamang ang kasal ay para lamang sa isang lalaki at isang babae ayon sa plano ng Diyos. Sa katunayan ay isang karumal-dumal na kasalanan ang pagtatalik ng lalaki sa kapwa lalaki at babae sa kapwa babae. Ito ang isa mga kadahilan kung bakit pinarusahan ni Yahweh ang Sodom at Gomorah!  Ngunit may ilan pa rin ngayong nagsusulong na gawin itong legal kahit na batid nilang ito ay immoral.  Bilang isang "Propetang Simbahan" ay dapat na tahasan natin itong tinututulan at hindi sinasang-ayunan.  Hindi ibig sabihin na "outcast" ang tingin natin sa mga kapatid nating "homosexual".  Ang Simbahan ay malugod na tumtanggap sa lahat anuman ang iyong kasarian.  Kahit nga ang isang kriminal ay "welcome" sa atin.  Ngunit ang mga imoral at masamang ginagawa ay hindi kailanman sinasang-ayunan ng Simbahan.  Mahal ng Diyos ang mga makasalanan ngunit hindi ang kasalanan!  At ang Simbahang itinatag ni Kristo ay magpapatuloy na magmamahal sa kanila. Ang hindi pagsang-ayon ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pagmamahal ngunit sa halip ito ay nagpapaalala ng pagtatama ng kanilang kamalian at pagbabalik-loob sa Diyos.  Huwag sanang masaktan ang mga taong iba ang kanilang paniniwala sapagkat bahagi ito ng pagiging propeta nating lahat bilang isang Simbahan.  Hindi tayo badnews para sa iba.  Ang Kristiyano ay dapat laging "GOODNEWS!"  Tandaan mo na ikaw, tulad ni Kristo, ay isang PROPETA.

Sabado, Hunyo 27, 2015

HAPPY DEATH DAY! : Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year B - June 28, 2015 - YEAR OF THE POOR

Minsan ay may nagsabi sa aking mali ang pagbati ng "Happy birthday" kapag may nagdiwang ng kanyang kaarawan.  Dapat daw HAPPY DEATH DAY ang bati sapagkat ang pagdiriwang ng kaarawan ay paglapit natin sa ating kamatayan.  Totoo nga naman, walang taong tumatanda ng pabalik.  Lahat tayo ay lumalapit sa ating kamatayan bawat araw at oras na ating inilalagi sa mundo.  May isang paring nagpakumpisal. "Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala," sabi ng isang lalaking kahina-hinala ang itsura. "Anung nagawa mong kasalanan anak?" tanong ng pari. "Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong napatay." Sagot ng lalaki. "Bakit mo nagagawa ito anak?" muling tanong ng pari. "Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos. Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father... naniniwala ka rin ba sa Diyos?" Pasigaw na tanong ng kriminal. "Naku iho... hindi... minsan lang, pero trip-trip lang yun!" nangangatog na sagot ng pari. hehehe... Wala naman talagang gustong mamatay. Ang normal na kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay ninanais na tayo ay mabuhay. "Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay." Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa aklat ng Karunungan: "Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya." Bagamat tinubos tayo ni Hesus sa kasalanan ay hindi niya tinanggal ang kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng kamatayan! Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito ay mamatay. Pag-asa ang ibinigay niya sa babaing dinudugo na kaya niyang pagalingin ang kanyang karamdaman. At ang pag-asang ito ay ipinapakita natin sa pamamgitan ng isang malalim na pananampalataya. Para sa mga taong may pananampalataya ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo ay may pananampaltaya kung tayo ay naniniwala at nagtitiwala na may magagawa si Hesus sa ating buhay. Kaya nga ang paniniwala, pagtitiwala at pagsunod kay Hesus ay pagpapakita ng ating pag-asa sa Kanya. At papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya? Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo na sa mga nangangailangan at kapus-palad. Ang ganap na pananampalataya ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Ito ang magbibigay ng kasagutan sa maraming katanungan bumabagabag sa ating isipan. Ito ang magbibigay ng lakas ng loob upang maharap natin ang katotohanan ng kamatayan. Kaya nga sa muli mong pagdiriwang ng iyong kaarawan, huwag kang matakot na awitan ang sarili mo ng HAPPY DEATH DAY TO ME! 

Sabado, Hunyo 20, 2015

IN-CHARGE : Reflection for 12th Sunday in Ordinary Time Year B - June 21, 2015 - YEAR OF THE POOR

Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... magbeer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Mig Light...  Ano nga ba ang katangian ng isang tatay?  Kung pagbabatayan natin sa kuwento ang "tatay" ay mapagdisiplina ngunit may puso, may prinsipyo ngunit maunawain, makatarungan ngunit may awa! Saksi ang kasaysayan sa kapangyarihan ng ating Diyos. Siya ang may likha at nagpapairal ng mundo. Siya ang "in-charge" sa lahat ng kanyang ginawa. Kahit ang kalikasan ay sumusunod sa kanyang utos. Nakita natin sa Ebanghelyo kung papaano Niya pahintuin ang malakas na hangin at alon. Sa kabila nito ang Diyos ay may pusong mapagmahal.  Nakakaunawa Siya sa ating mga kakulangan at pag-aalinlangan.  May mga sandaling nagdududa tayo sa Kanyang kakayahan. May mga sandaling ang akala natin ay "tinutulugan" Niya tayo dahil sa dami ng suliranin at paghihirap nating nararanasan. Ngunit huwag tayong mag-panic... God is in-charge! Nandiyan lamang Siya. Handa Niya tayong samahan. May pakialam Siya sa ating buhay! Totoo na dapat ay may takot din tayo sa Kanya, ngunit pagkatakot na dala ng pagmamahal. Ang Diyos ay Ama na may malasakit sa ating kapakanan at kinabukasan. Patuloy Niya tayong inaalagaan sa pamamagitan ng pagpapanatili at pagpapalago ng Kanyang mga nilikha.  Nitong nakaraang tatlong araw ay naglabas ng Ikalawang Encyclical Letter ang ating Santo Papa Francisco tungkol sa Diyos na Manlilikha at ang dapat na kaugnayan natin sa Kanyang mga nilikha.  Pinamagatan niya itong "Laudato Sii" na ang ibig sabihin ay "Praised be (God)!" Hango ito sa "Canticle of Canticles" ni St. Francis of Asisi na pagpupuri sa Diyos sa Kanyang mga nilikha.  Ang mundo na ibinigay ng Diyos sa atin bilang tahanan ay pagpapatunay ng Kanyang patuloy na pagmamahal sa atin. Ginawa niya tayong "in-charge" upang pangasiwaan ito at alagaan.  Ngunit sa tinatakbo ng mundo ngayon ay parang nawawala na sa isip ng tao na siya ay katiwala lamang.  Masyado niyang inabuso ang kanyang kapangyarihang mamuno at pinabayaan at pinagsamantalahan ang mga nililkha ng Diyos.  Kaya nga ang Santo Papa ay nagpapaalala sa atin na tayo, bilang Kanyang mga katiwala,  ay dapat magpakita ng malasakit sa isa't isa sa pamamagitan ng tamang pag-aalaga ng mundo bilang ating iisang tahanan.  Ang Diyos ang "In-charge' sa Kanyang mga nilikha.  Kaya Niyang patahimikin ang nag-aalburutong hangin at ang mga unos ng ating buhay na nagpapakita ng Kanyang kapangyarihan.  Ngunit tayo rin ay "in-charge" sapagkat tinawag Niya tayong pamahalaan ang mundo at ang ating buhay ng may pananagutan at pagmamahal.  Sa pagdiriwang ngayon ng "Fathers' Day", ating pagtiwalaan ang Diyos na hindi nagpapabaya sa atin at maging mga tatay din tayo na may pananagutan sa ating iisang mundong tinutuluyan bilang ating iisang tahanan. 

 Happy Fathers' Day sa inyong lahat!

Sabado, Hunyo 13, 2015

#SHAREGODSGOODNESS : Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time - Year B - June 14, 2015 - YEAR OF THE POOR

Si Jesus ay magaling  na guro.  Kakaiba siya sa mga guro ng kanyang panahon.  Kaya nyang kausapin ang mga taong dalubhasa sa batas at ang mga taong walang pinag-aralan.  Simple ang kanyang istilo.  Kahit na sino ay makakaintindi. Gumagamit siya ng mga kuwento sa kanyang pagtututo upang maunawaan siya ng mga tao.  Gumagamit siya ng talinhga na hango sa mga kaganapan ng buhay na tinatawag nating mga "talinhaga" o "parables".  Ang parables ya galing sa salitang griego (parabolein) na ang ibig sabihin ay "itapon".  Kapag si Jessus ay nagkukwento ay itinatapon niya sa mga tao ang mensahe upang sagutin nila ang kanilang mga katanungan sa buhay!  Sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay gumamit siya ng dalawang talinhaga upang ipaliwanag ang Kaharian ng Diyos:  ang binhing inihasik sa lupa at ang butil ng mustasa.  Mahirap bigyan ng pakahulugan ang "kaharian ng Diyos" sapagkat hindi ito kabahagi ng ating kultura.  Marahil ay mayroon tayong mga "tribu" o "balangay" noong panahon ng ating mga ninuno ngunit wala tayong malalaking kaharian.  Ngunit sa kanyang mga nakikinig ay malinaw ang nais "ibato" ni Jesus: na sila ay dapat pagharian ng Diyos tulad ng isang binhi o butil ng mustasa na maaring sa simula ay maliit, halos walang saysay, walang halaga, ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay lumalago, lumalaki at namumunga ng kabutihan para sa iba!   Nabubuhay tayo sa isang "magulong mundo."  Mundong sinasalanta ng maraming kalamidad, nababalot ng kahirapan at karahasan na gawa rin ng tao.  Dahil diyan ay nagdudulot sa atin ang mga ito ng labis na takot at pangamba.  Paano natin maipapalaganap ang paghahari ng Diyos sa ganitong kalagayan?  Bilang mga Kristiyano ay hindi N'ya tayo inaasahang gumawa ng malalaking bagay!  Maliliit na kabutihan ay sapat na upang maipalaganap natin ang Kaharian ng Diyos. "A cup of goodness" lang ang hinihingi Niya sa atin.  Sapagkat ang kasamaan ay lalaganap kung ang mabubuting tao ay tatahimik na lamang, magkikibit balikat at tutunganga!  Tandaan natin na nakakahawa ang kabutihan.  May kasabihan nga sa ingles na: "Good people bring out the good in people".  Kaya nga dapat lang na ibahagi natin ang kabutihan sa iba.  Kunmbaga sa wika ng makabagong panahon #sharegoodness!  Mautak tayo sa maraming bagay, lalong lalo na kapag pera at negosyo ang pinag-usapan.  Magpuhunan tayo sa paggawwa ng kabutihan.  "Goodness is the only investment that never fails!"  Kapag ang bawat isa sa atin ay gagawa lamang ng isang kabutihan kada araw ay unti-unting magliliwanag ang ating madilim na mundo.  Sa halip na sisihin mo ang ibang tao, ang gobyerno, at kahit na ang Diyos sa paglaganap ng maraming kahirapan at kasaman ay tanungin mo ang iyong sarili kung may nagawa ka na bang kabutihan sa iba.  Gumawa ka ng kabutihan at lalaganap ang kabutihan ng Diyos at ang Kanyang paghahari. Tandaan... #SHAREGODSGOODNESS!

Sabado, Hunyo 6, 2015

NAGKAKAISANG KATAWAN : Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year B - June 7, 2015 - YEAR OF THE POOR

Nabubuhay tayo sa panahon ng mga tanda!  Mas madaling makilala ang isang bagay kapag ginagamitan nito.  Kapag nakakita ka ng malaking bubuyog na kulay pula at may sumbrero ay alam mo agad na ito ay Jolibee!  Kapag nakakita ka naman ng lalaking clown o malaking letter M ay alam mo agad na ito ay Mcdo!  Alam nyo bang ang letter M ng McDonald ang isa sa pinakasikat na simbolo sa buong mundo.? Naririyan din ang Nike sign at ang Olympic Rings na kilalang kilala ng marami.  Sa ating mga Kristiyano may isang tanda ng dapat ay alam na alam natin.  Bukod sa tanda ng Krus ay dapat pamilyar na sa atin ang maliit, manipis, bilog at kulay puting tinapay na ating tinatanggap sa Misa - ang Banal na Katawan ni Kristo!  Ang Banal na Eukaristiya ang simbolo ng pagkakaisa nating mga Kristiyano! Kaya nga ang tawag din natin sa Banal na Sakramentong ito ay "Sacrament of Holy Communion". Ang ibig sabihin ng communion ay pagkakaisa: COMMON na, UNION pa!  Ano ang nagbubuklod sa atin sa Sakramentong ito? Walang iba kundi ang TIPAN na ginawa ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang katawan at dugo! Sa Lumang Tipan ang tipanang ito ay isinagawa sa pagwiwisik ng dugo ng susunuging handog sa dambana. Ang mga tao naman ay sabay-sabay na nagpapahayag ng kanilang pagsang-ayon at pagsunod sa utos ni Yahweh! Sa Bagong Tipan ay may pag-aalay pa ring nangyayari. Ngunit hindi na dugo ng hayop kundi ang dugo mismo ng "Kordero ng Diyos" ang iniaalay sa dambana. Sa pag-aalay ni Jesus ng Kanyang sarili sa krus ay ginawa niya ang natatangi at sukdulang pakikipagtipan ng Diyos sa tao! Kaya nga't ang bawat pagdalo sa Banal na Misa ay pagpapanibago ng pakikipagtipan na ito. Hindi lang tayo nagsisimba para magdasal o humingi ng ating mga pangangailangan sa Diyos. Ang Diyos mismo ang nag-aalok ng Kanyang sarili upang ating maging pagkain at kaligtasan ng ating kaluluwa. Kaya nga nga't hindi sapat ang magdasal na lamang sa loob ng bahay kapag araw ng Linggo. Hindi rin katanggap-tanggap ang ipagpaliban at pagsisimba sapagkat ito ay pagtanggi sa alok ng Diyos na makibahagi tayo sa Kanyang buhay! Katulad ng mga Judio sa Lumang Tipan, sa tuwing tayo ay nakikibahagi sa tipanang ito ay inihahayag naman natin ang ating buong pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ang nag-aalok ng buhay, tayo naman ay malugod na tumatanggap! Ito ang bumubuo ng COMMUNION sa pagdiriwang ng Banal na Misa. At sapagkat nagiging kaisa tayo ni Jesus sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon, inaasahan tayo na maging katulad ni Jesus sa ating pag-iisip, pananalita at gawa! Ngunit may higit pang inaasahan sa atin bilang mga miyembro ng Katawan ni Kristo, na sana tayo rin ay maging instrumento ng pagkakaisa sa mga taong nakapaligid sa atin. Tayo ay maaring maging daan ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatawad, pakikipagkasundo, pang-unawa na maari nating ibahagi sa ating kapwa.  Tanging si Jesus ang makapagbibigay sa ating ng tunay na pagkakaisa! Ang kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ang nagbubuklod sa atin bilang iisang katawan. Siya ang SAKRAMENTO NG PAGKAKAISA!  Sa pagtanggap sa Banal na Komunyon ay sumasagot tayo ng AMEN.  Ang pagsasabi nito ay hindi lang pagtanggap kay Jesus sa anyong tinapay.  Pinapahayag din natin ang ating pagtanggap sa ating kapwa sapagkat tayo rin ang bumubuo sa Katawan ni Kristo.  Tanggapin natin ang bawat isa ng may kagalakan.  Tayo ang nagkakaisang Katawan ni Kristo!

Sabado, Mayo 30, 2015

DIYOS NA 3 in 1 : Reflection for the Solemnity of the Blessed Trinity Year B - May 31, 2015 - Year of the Poor

May isang batang nagtanong sa akin: "Father, bakit isa lang ang Diyos at hindi tatlo? Di ba Siya ay Ama, Anak, at Espritu Santo? Di ba 1+1+1=3? " Ito ang sagot ko sa kanya: "Iho, ang Diyos ay hindi puwedeng gamitan ng arithmetic! Kasi puede rin na 1x1x1=1!" Lubos ang kadakilaan ng Diyos kung kaya't hindi Siya maaring bilangin ng ating mga daliri sa kamay. Lubos ang Kanyang kadakilaan na hindi Siya maaring pagkasyahin sa ating maliit na isipan. Siya ang Manlilikha... Siya ang walang simula at walang katapusan... Siya ang hari ng sanlibutan! Ang problema marahil ay pilit nating inuunawa kung sino ba talaga Siya. Ang napakatalinong taong si Santo Tomas Aquino, na nagsulat ng maraming aklat tungkol sa Diyos (halimbawa ang Summa Theologia), pagkatapos ng kanyang mahabang pagsusulat at pagtuturo ay nagsabing ang lahat ng kanyang inilahad tungkol sa Diyos ay maituturing na basura lamang kung dadalhin sa Kanyang harapan. Ibig sabihin ni Santo Tomas ay hindi natin lubos na mauunawan ang Diyos! Kahit ang taong pinakamatalino ay kapos sa kaalaman kung ang "misteryo ng Diyos" ang pag-uusapan. Bagamat walang sino mang tao ang lubos na makakaunawa sa Kanya ay pinili Niya pa ring magpahayag sa atin. Ang pagpapahayag ng Diyos ay napakasimple na kahit na ang walang pinag-aralang tao ay maaring makaunawa sa Kanya: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."  Ipinahayag ng Diyos na Siya ay pag-ibig. Kaya nga't masasabi natin na ang Diyos ay mauunawaan lamang ng taong marunong magmahal! Ang Banal na Santatlo ay pagmamahalan! Nauunawaan mo ang Diyos kung marunong kang magpatawad. Nauunawaan mo ang Diyos kung matulungin ka sa mga mahihirap. Nauunawaan mo ang Diyos kung ang hanap mo ay ang kabutihan ng iyong kapwa! Marahil hindi natin maiintindihan kung bakit ang 1+1+1 para sa atin ay 1. Huwag tayong mag-isip... sa halip subukan nating magmahal at makikita natin na ang kakulangang ng ating pag-iisip ay mapupuno ng isang payak at malinis na puso. May isa akong kaibigan na ang motto sa buhay ay: "I am number three!" Ipinaliwanag niya sa akin: "I am number three sapagkat nais ko laging ipaalala sa aking sarili na ang Diyos dapat ang mumber one sa buhay ko. Ang aking kapwa naman ang number two. Ang aking sarili ay pangatlo lamang!"  Totoo nga naman na dapat din nating mahalin ang ating mga sarili.  Ngunit ang labis na pagmamahal sa sarili na nakakalimot na na may Diyos at kapwa na dapat ko ring mahalin ay mapanganib.  Ngayong Taon ng Dukha ay sikapin natin unahin ang kapakanan ng iba bago ang ating mga sarili.  Hindi ito madali sapagkat lalabanan natin ang ating pagkamakasarili at magsasakripisyo tayo para sa iba.  Ngunit ito naman talaga ang kahulugan ng tunay na pag-ibig... nag-aalay ng buhay para sa kanyang kaibigan!  Ang Diyos na "three in one" ay ang ating huwaran sa tunay na pagmamahal.  Ang pag-ibig ng Diyos Ama na nagbigay sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang pag-ibig na Anak na nag-alay ng kanyang buhay upang sundin ang kalooban ng Ama na tayo ay maligtas, at ang pag-ibig ng Espiritu Santo na patuloy na humiihimok sa ating magmahal upang maging isang Sambayanan tayong pinaghaharian ng Kanyang pagt-ibig.  Kaya narrapat lang na ang aking Diyos na Santatlo ay aking papurihan at mahalin.  Hindi man Siya maintindihan ng aking isipan... kaya naman Siyang damhin ng puso kong marunong magmahal!

Sabado, Mayo 23, 2015

MAY FOREVER! : Reflection for the Solemnity of Pentecost Year B - May 24, 2015 - YEAR OF THE POOR

Kapistahan ngayon ng Pagpanaog ng Espiritu Santo o Pentekostes.  May isang "Rabbi" (gurong Hudyo) ang minsang nagsabi: "Naiintindihan ko ang inyong pagtawag sa Diyos bilang "Ama", at kilala rin namin si Jesus na tinatawag ninyong "Diyos Anak", ngunit ang hindi ko talaga maintindihan ay ang "mahiwagang ibon" na tinatawag ninyong Espiritu Santo!"  Totoo nga naman, kahit sa kasalukuyang panahong ito ay marami pa rin, kahit sa ating mga Katoliko, ang kulang ang pang-unawa sa Espiritu Santo kahit lagi natin itong binabanggit sa ating mga panalangin.  Sino nga ba ang Espritu Santo?  Kung ang Diyos Ama ay ang lumikha ng lahat ng bagay at ang Diyos Anak naman ang tumubos sa ating mga kasalanan, ay ano naman ang papel na ginagampanan ng Diyos Espritu Santo sa kasaysayan ng ating kaligtasan?  Kung ako ang tatanungin, ang Espiritu Santo ang nagpapahayag at nagpapatunay na ang pagmamahal sa atin ng Diyos ay may "forever!"  Mayroon bang forever?  Mga taong "bitter" lang ang nagsasabing walang forever!  Para sa ating mga Kristiyano tayo ay nilikha ng Diyos dahil sa pag-ibig. Iniligtas Niya tayo sa ating pagkakasala dahil sa laki ng pagmamahal Niya sa atin.  At patuloy Niya tayong inaalagaan, ginagabayan at pinababanal sa pamamagitan ng pag-ibig na nagmumula sa Banal na Espiritu!  Hindi ba "forever" ang tawag sa ganung uri ng pagmamahal na magpakailanman at magpasawalanghanggan?   Ang Espiritu Santo ang gumagabay at pumapatnubay sa Simbahan mula pa ng ito ay isilang at magpasahanggang ngayon. Kung mahalaga ang kanyang papel na ginagampanan sa ating Simbahan ay lalong ng higit pa sa ating mga Kristiyano.   Ang Espiritu Santo ang nagpapabanal sa atin! Noong tayo ay bininyagan ay napuspos tayo ng Espiritu Santo. Sa Kumpil ay tinanggap naman natin ang kaganapan ng Kanyang mga biyaya hindi sapagkat kulang ito noong tayo ay binyagan kundi sapagkat hindi pa nakahanda ang ating pisikal na katawan noong sanggol pa lamang tayo. Ngayong tayo ay nakapag-iisip na ay nararapat lamang na ipakita natin ang pananahan ng Espiritu Santo sa ating buhay! Gisingin natin ang ating mga tulog na sarili!  Maging mulat tayong lahat na tayo ay ang mga buhay na "Templo ng Espiritu Santo!" Maging mga saksi tayo ng kanyang kapangyarihan sa ating buhay!  Ang "kapayapaan" ang tanda na tayo ay mga taong puspos ng Espiritu Santo. Kapayapaan ang ibinahagi ni Jesus sa kanyang mga alagad noong Siya ay muling mabuhay. Kapayapaan din ang patuloy niyang ibinabahagi sa ating pinananahanan na ng Banal na Espiritu.  Ang Espiritu Santo ay nag-uugnay, hindi naghihiwalay! Kapag may pag-kakaisa.. may pagmamahal.  Patuloy tayong minamahal ng Diyos sapagkat hinahangad Niya ang ating pagkakaisa.  Umasa tayong patuloy na tayong mamahalin at pag-iisahin sapagkat ang Kanyang pagmamahal ay may forever!

Sabado, Mayo 16, 2015

LANGIT NA HANTUNGAN: Reflection for the Solemnity of the Ascension - Year B - May 17, 2015 - YEAR OF THE POOR

Totoo bang may langit?  Saan ba ito matatagpuan?  Bata pa lang ako ay ito na ang katanungang gumugulo sa isip ko.  Ngayong ako'y malaki na at may sapat ng pag-iisip hindi pa rin nagbago ang tanong na ito.  Sa tuwing masasaksihan natin ang mga trahedya sa ating paligid tulad ng mga namatay sa sunog sa pagawaan ng tsinelas sa Valenzuela,  mga biktima ng lindol sa Nepal, mga Kristiyanong pinatay sa Syria, ay pilit na kumakatok ang katanungan ng katotohanan ng langit.  At ang mas malalim na tanong ay may mga tao bang gustong makarating dito?  Isang pari ang inis na inis kapag nagmimisa sapagkat laging may matanda sa kanyang harapan na tinutulugan ang kanyang sermon. Minsan ay naisip niyang bawian ang matanda at turuan iton ng leksiyon. Habang siya ay nagsesermon at naghihilik naman ang matanda ay pabulong niyang sinabi sa mga tao: "Yung nais umakyat sa langit... tumayo ng tahimik." At tahimik namang nagtayuan ang mga tao maliban kay lola na himbing na himbing sa pagkakatulog. Pinaupo niyang muli ang mga tao at napakalakas na sumigaw: "Ang gustong pumunta nang impiyerno... TAYO!!!" Nagulantang ang matandang natutulog at biglang tumayo at laking hiya niya ng mapansing lahat ay nakaupo. Ang pari naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakabawi na siya. Ngunit nagsalita ang matanda at ang sabi: "Padre, pasensiya na po kayo at hindi ko ata na naintindihan ang huli ninyong sinabi, pero nagtataka ako kung bakit dalawa tayong nakatayo, sabay tingin sa pari! hehehe... Sino nga ba sa atina ang gustong mapunta sa impiyerno? Marahil ay walang taong matino ang pag-iisip na tatayo. Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!" LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap na gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit? Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus.  Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Kung siya ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay panandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman. Kaya nga sa susunod na may magsabing: "Ang gustong pumunta sa langit... tumayo!" 'Wag kang magdalawang isip na tumayo sapagkat langit ang ating hantungan! 

Sabado, Mayo 9, 2015

MAY FOREVER! : Reflection for 6th Sunday of Easter Year B - May 10, 2015 - YEAR OF THE POOR

Naniniwala ka bang "walang forever?"  Kung isa ka sa mga miyembro ng W.F.T.  (Wala Talagang Forever) ay isa ka sa mga taong "bitter"... kasimpait ng ampalaya ang iyong buhay!  Ipinagpalit lang ng boyfriend sa iba wala na agad forever... bitter ka lang te!  Sa halip na maging bitter dapat siguro mas maging "better" ang ating pagtingin sa buhay... may forever!   Lalo na sa ating mga Kristiyano ay dapat maniwala tayong MAY FOREVER!  May forever sapagkat ang ating Diyos ay PAG-IBIG tulad ng sabi ni San Juan sa kanyang unang sulat at ang Kanyang pagmamahal sa atin ay... FOREVER!   Ito rin ang binigyang diin ni Jesus nang sinabi niyang "Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo, manatili kayo sa aking pag-ibig!"  Manatili magpakailanman, magpasawalanghanggan... FOREVER!  Ano ang katangian ng pag-ibig na ito? Ang unang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng iba. "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan." May isang lugar sa Chicago na ang tawag ay Oliver Milton's Park. Ito ay ipinangalan sa isang sundalo na dinapaan ang isang granada upang mailigtas ang kanyang mga kasama sa tiyak na kamatayan. Ang tunay na nagmamahal ay inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili. Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng sariling oras, kakayahan, karunungan, at kahit kayamanan sa mga taong nangangailangan. Wala sa diksiyonaryo ng taong nagmamahal ang katagang: "Wala akong pakialam!" Ang ikalawang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magmahal sa lahat na walang itinatangi.  May kuwento ng isang sundalong sumulat sa kanyang mga magulang na uuwi na siya at may dadalhin siyang isang kaibigang sundalo na makikitira sa kanilang bahay. Ipinaliwanag niya na ang sundalo ay walang dalawang paa sapagkat nasabugan ito ng landmine sa kasagsagan ng giyera. Ayaw pumayag ng mga magulang at sinabing wag na lang sapagkat magiging pabigat lamang ang taong ito sa kanila. Iyon na ang huling pag-uusap nila. Paglipas ng ilang taon nagkita muli sila sa isang morgue nang mabalitaan nilang namatay ang kanilang anak sa isang aksidente at gayun na lamang ang pagkagulat nila ng makitang ang kanilang anak ay walang dalawang paa. Ang pagmamahal na walang itinatangi ay nangangahulugan ng pagtanggap sa ating kapwa ng walang kundisyon. Katulad ito ng ipinakita ni Jesus ng nag-alay siya ng kanyang buhay para sa atin lalo na sa ating mga makasalanan. Hindi Niya tiningnan ang ating depekto o pagkukulang, maging ang kapangitan bilang tao dala ng ating patuloy na pagkakasala. Ang kaligtasang ibinigay sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay ay para sa lahat ng tao: ano man ang relihiyon, lahi, kultura, kasarian, pag-uugali niyang taglay. Dapat ang ating pagmamahal ay gayun din. Kalimitan, kinasusuklaman natin ang ating kaaway at malambing lamang tayo sa ating mga kaibigan. Ngunit hindi ito ang gawi ng Panginoon. Ang Panginoon ay nagpakita ng habag at pagmamahal sa mga taong hindi kaibig-ibig, sa mga taong makasalanan. Sana tayo rin ay kayang maghanap sa mga taong hindi nabibigyang pansin, sa mga kapus-palad, sa mga naliligaw ng landas, sa mga kapos sa pagmamahal.  Ito pa rin ang mensaheng nais niyang iparating sa atin: "Mag-ibigan kayo tulad ng pag-ibig na ipinakita ko sa inyo!" isang pag-ibig na hindi makasarili, isang pag-ibig na nakatuon sa lahat, isang pag-ibig na handang mag-alay ng kanyang sarili para sa kanyang kaibigan. Ito ang pag-ibig na ipinamalas ng Diyos sa atin at nais niyang ipakita at iparamdam natin sa iba... isang pag-ibig na nagsasabing may FOREVER!

Sabado, Mayo 2, 2015

MAMUNGA PARA KAY KRISTO : Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - May 3, 2015 - YEAR OF THE POOR

 "Isang bayan para kay Pacman!"  Ito ang maririnig mo ngayon sa bibig ng mga Pilipino.  Muli ang bayang Pilipino ay pinagbuklod ng ating "Pambansang Kamao".   Manalo man o matalo, nakamit na nito ang kanyang layuning pagbuklurin ang bansang Pilipino.  Katulad din ng ating pagiging Kristiyano na pinagbubuklod ng ating pananampalataya kay Kristo.  "Siya ang puno ng ubas at tayo ang mga sanga!"  Ano ba ang ibig sabihin ng "pinagbuklod ni Kristo?"  Maari bang mahiwalay ang isang Kristiyano sa Kanya?  May tatlong magkakaibigan na nagpapayabangan sa kanilang pananampalataya: isang Muslim, isang Hindu at isang Kristiyano. Nagpunta sila sa isang mataas na gusali at nagpasiklaban sa kanilang sinasambang "diyos." "Sige, tatalon tayo sa gusali at hihingi tayo ng tulong sa ating diyos at ang makakaligtas ang siyang may pinakamakapangyarihang diyos!" Unang tumalon ang muslim. Sa kalagitnaan ng kanyang pagbulusok ay isinigaw niyang "Allah.. iligtas mo ako!" Lumagpak siya sa lupang bali-bali ang buto. Sumunod naman ang Buddhist. Nakapikit siyang nagmeditate at pagkatapos ay tumalon. Sa kaligitnaan ng kanyang pagbulusok ay sumigaw siya ng "Buddha iligtas mo ako!" At nang malapit na siyang lumagpak sa lupa ay parang himalang dinala siya ng hangin na animo'y bulak at dahan-dahang bumaba sa lupa. At sa kahuli-hulihan ay tumayo ang Kristiyano. Nagtanda ng krus at sabay talon. Sa kalagitnaan ng pagbulusok ay sumigaw siya ng "Hesus, Anak ni David, iligtas mo ako!" Aba... lalo pang bumilis ang kanyang pagbulusok! (9.8 m/sec2) Nang malapit na syang lumagpak ay biglang sigaw ng: "Buddha... Buddha... tuloooong!!!" Tayong mga Katoliko nga naman, madaling kumalas sa ating pananampalataya kapag nahaharap sa kagipitan. Ano nga ba ang nagbibigay ng kasiguruhan sa ating pananampalataya? Sa ating Ebanghelyo ngayon ay gumamit ang Panginoong Jesus ng isang paglalarawan: ang sangang nakakabit sa puno! Ang sanga ay mabubuhay lamang kung ito ay nakakabit sa puno.  Ang ating pananamapalatayang Kristiyano ay mananatili kung ito ay nakaugnay kay Kristo!  Noong tayo ay bininyagan ay tinanggap natin ang pananampalatayang ito. Iniugnay tayo kay Jesus. Sa katunayan ay tinaglay natin ang Kanyang pangalan... KRISTIYANO! Ngunit hindi lang sapat na nakakabit sa puno. Dapat din ay namumunga ang sangang ito! Ang ating pagiging Kristiyano ay hindi lamang "baptismal certificate." Ito ay ang matapat na pagsasabuhay ng ating sinasampalatayanan sa pamamagitan sa pagsunod sa utos at kalooban ng Diyos. Sa panahon ngayon na nababalot ng materyalismo, komersiyalismo at hedonismo ay hinahamon tayong mamunga bilang mga Kristiyano. Hindi madali sapagkat ang pinaiiral ng mundo ay kasarapan at kaginhawaan ng pamumuhay. Ayaw ng mundo na kahirapan. Ngunit kailangan ang pagtitiis kung nais nating mamunga. Sabi ng Panginoon: "Pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga." Tanggapin natin ang kahirapan ng buhay bilang pagpuputol at paglilinis ng Diyos sa atin. Kapalit ng pagtitiis na ito ay ang masaganang bunga naman para sa ating may pananampalataya. Manatili tayo kay Jesus. Mamunga tayo ng sagana sa pamamagitan ng mabuting gawa. Ito ang ang tanging paraan upang tayo ay maging mga "buhay na Kristiyano" na may kaugnayan kay Kristo!  Sa unang pagbasa ay ipinakita sa atin kung paanong ang "paglilinis" kay Pablo ay naging daan upang siya ay "mamunga" at magdala ng maraming tagasunod ni Jesus.  Ang kanyang pagkakamali sa nakaraan ay hindi naging hadlang  upang maging isa siyang masigasig na apostol ng Panginoon.  Kaya nga't ang mamunga para kay Kristo ay pagtawag sa ating lahat na taglay ang pangalang KRISTIYANO.